$3.02-M kita ng Philippine delegation sa “Ambiente 2019 Trade Fair” sa Germany – DTI
March 22, 2019

Ang higit $3 milyong dolyar na kita ng delegasyon ay 120% sa inisyal na target na $2.5 milyong dolyar sa Ambiente event noong Pebrero 8-12, 2019 na dinaos sa Frankfurt, Germany. 

Ang Ambiente ang nangungunang World Trade Fair para sa dining, giving at living products.

Nabatid sa DTI-Center for International Trade Exhibitions and Missions (CITEM), ang event ay dinagsa ng 136,000 bisita mula sa 166 bansa na ang top 10 sa labas ng Germany ay Italy, China, France, United Kingdom, Netherlands, United States, Spain, Switzerland, Russia at South Korea.

Ang Philippine Pavilion ay pinuri ng mga bisita na ayon sa kanila ay pinakamaganda o “the best’ kumpara sa mga exhibitors ng ibang ASEAN countries.

Ayon sa DTI, ang achievement ng Pilipinas sa Ambiente ay katibayan na epektibo ang inisyatibo ng pamahalaan sa export na umakit hindi lamang sa German market kundi ibang mga bansa sa Europa at malaking bilang ng mga kumpanya sa Estados Unidos. | ulat ni Josette Olivera