Bagong SEC MC na naghihigpit sa NGOs, idudulog sa Korte Suprema upang ipatigil 
February 12, 2019

Kukwestiyunin sa Korte Suprema ng iba’t ibang civil society organizations ang bagong memorandum circular ng Securities and Exchange Commission (SEC), na naghihigpit sa registration ng mga nonprofit organization.

Sa ilalim ng memorandum circular, kabilang sa mga hinihinging bagong requirements para irehistro ang mga nonprofit organization ay ang detalyadong listahan ng pinanggagalingan ng kanilang pondo at kung ano ang kanilang pinagkakagastusan.

Ayon kay Roselle Rasay, executive director ng Caucus of Development NGO Networks, hindi sila nakunsulta dito ng SEC.

Hihilingin nila sa Kataas-taasang Hukuman na suspindihin muna ang memo hangga’t hindi nabibigyang-linaw ng SEC ang proseso ng pagtukoy sa malalagay sa kategorya ng high risk organizations.

Nangangamba ang mga civil society group na posibleng magamit ang memo sa mga tinatawag na “enemy of the state.”

Maaaring makuwestiyon dito ang mga organisasyon na tulad ng Kadamay, Ibon Foundation at iba pang human rights groups.

Ayon naman sa SEC, layunin ng memorandum na makapaglatag ng monitoring system sa pagrerehistro ng mga nonprofit organization para matiyak na ang mga ito ay hindi ginagamit ng mga teroristang grupo para itago ang kanilang mga pondong pera. | ulat ni Rey Ferrer