Malacañang, duda sa nangyayaring water shortage sa MM at kalapit probinsiya
March 14, 2019

Nagsisimula nang magkaroon ng hinala ang Palasyo sa nararanasan ngayong kakulangan ng supply ng tubig sa iba’t-ibang bahagi ng kalakhang Maynila.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nakakapagtaka kung bakit may suplay ng tubig ang Maynilad habang wala naman ang Manila Water gayung parehong Angat Dam naman ang source ng dalawang water concessioners

Pero sa ngayon ani Panelo ang nakikita nilang bunga ng mismanagement at inefficiency ang nangyayaring problema ngayon sa distribusyon ng tubig ng Manila Water.

Pagtiyak naman ng tagapagsalita na sa sandaling mapatunayang artipisyal lamang ang nararanasang water shortage, inihayag nitong hindi aniya nila ito palalampasin at papananagutin nila dito ang water concessionaire na Manila Water.

Dapat lang aniya ito’y maimbestigahan upang malaman ang puno’t dulo ng umanoy kakapusan ng tubig na nagdudulot ng kalbaryo sa mga customer ng Manila Water.  | ulat ni Alvin Baltazar