Murang Kuryente bill pasado na sa Senado
February 05, 2019

Tinatayang nasa P160 pesos kada buwan ang matitipid ng bawat pamilya kapag tuluyan nang maisabatas ang panukalang “Murang Kuryente” Bill.

Inaprubahan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang Senate Bill 1950 o “Murang Kuryente Act” sa pangatlo at panghuling pagbasa sa botong 17-0.

Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na siyang may akda ng panukala, aabot sa P207 billion pesos ng Malampaya Fund ang gagamitin ng gobiyerno para sagutin ang binabayarang  universal charges sa National Power Corporation kada buwan.

Ayon naman kay Senate Committee on Energy Chair Sherwin Gatchalian, kapag sinagot ng gobiyerno ang naturang charges, makakatipid ang bawat consumer ng .84 kilowat hour.

Sa ngayon kasi, nasa P466 billion pesos ang utang ng NAPOCOR, kaya kapag naisabatas ang panukala, ililipat ang pondo ng Malampaya sa  Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation o PSALM na siyang may hawak sa privatatization and finances ng NAPOCOR.  | ulat ni Melany Valdoz