Nabiling palay sa Mindanao, lumagpas na sa procurement target ng NFA para sa buwan ng Enero
February 06, 2019

Abot na sa 146,319 bags ng palay ang nabili ng National Food Authority (NFA) sa local farmers sa Mindanao na mas mataas sa procurement target nito para sa buwan ng Enero.

Ayon kay NFA OIC Adminiatrator Tomas Escares mas pinili na ngayon ng mga farmers na ibenta ang kanilang aning palay sa NFA para ma-avail ang karagdagang buffer stocking incentive na P3 sa kada kilo nito.

Dahil sa pagiging agresibo ng ahensiya sa palay procurement, hindi malayong makamit nito ang target na 7.7 milyong metric tons ng palay na mabili ngayong taon.

Sa Central Mindanao, abot na sa 98,099 bags ng palay o 4,905 percent ang nabili ng NFA na mas mataas sa procurement target na 2,000 bags para sa buwan ng Enero.

Habang sa Northern Mindanao nasa 2,865 bags o 287 percent na mas marami sa 1,000 bags na target nito.

Puspusan na rin ang palay procurement ng NFA sa ibang rehiyon sa bansa.

Paliwanag pa ni Escares na sa mahabang panahon hirap ang ahensiya na maabot ang kanilang palay procurement targets dahil sa mataas na alok ng private traders sa mga magsasaka na umaabot pa ng hanggang P25 ang presyo sa kada kilo ng palay.

Kaya itinaas ng ahensiya ang buying price mula P17/kilo sa P20/kilo na may kasama pang insentibo. | ulat ni Rey Ferrer