Palasyo, naniniwala na ‘di palalampasin ng botante ang pagkaantala ng budget
March 14, 2019

Positibo ang Malacañang na makakaapekto sa mga kandidato ang kinakaharap na usapin ng pagkaantala ng national budget sa kasalukuyan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, ito ay dahil ang mga proyekto ng gobyerno ay taumbayan ang nahihirapan sa pagkakaantala ng pambansang pondo, kaya’t posible na mapaisip ang mga ito sa mga iboboto.

Ang nangyayari kasi aniya ay laging na lamang nagiging hostage ang mga Pilipino sa bangayan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Panelo, ang hindi niya maintindihan ay kung bakit hindi idulog ng mga Senador sa korte ang usapin sa budget, kung simula pa lamang ay naniniwala na sila na unconstitutional ang realignment sa budget.

Kaugnay nito, iginiit ng Palasyo na hindi mangingialam ang Pangulo, at hahayaan ang Senado at Kamara na ayusin ang gusot sa 2019 National Budget.  | ulat ni Racquel Bayan