PNP Chief, ipinag-utos ang pagtitipid ng tubig sa mga kampo ng PNP 
March 15, 2019
Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde ang pagtitipid ng tubig sa lahat ng kampo at tanggapan ng PNP na nasa mga lugar na apektado ng pansamatalang kakulangan sa supply ng tubig.

Sa isang statement, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Bernard Banac na ang kautusan ng PNP chief ay para makatulong na maiwasan ang posibleng krisis sa tubig sa Luzon sa pagsapit ng tagtuyot.

Inatasan ang mga Headquarters Support Unit sa mga kampo at tanggapan ng PNP na imonitor ang mapag-aksaya o hindi esensyal na paggamit ng tubig.

Kasabay nito, inatasan din ni Albayalde ang mga PNP units sa mga lugar kung saan nirarasyon ang tubig na tulungan ang mga bgy officials sa crowd control.

Bilin ng PNP chief na pangalagaan ng mga pulis ang kaligtasan ng mga personnel na namamahagi ng tubig sa mga water distribution points kung sakaling may mga manggugulo.

Ayon pa kay Col. Banac, babantayan din ng mga pulis ang posibleng pagnanakaw ng tubig mula sa mga fire hydrants at mga linya ng tubig.  | ulat ni Leo Sarne