Nicko Falcis, inabswelto sa kasong qualified theft
March 13, 2019

Inabswelto ng Taguig city Prosecutors Office sa kasong qualified theft si Nicko Falcis III, na una ng inireklamo ni Kris Aquino ng kasong pagnanakaw.

Sa kabila nito ay inaprubahan naman ni Taguig City Chief Prosecutor Vincent Villena ang pagsasampa ng kasong estafa at paglabag sa RA 8484 o mas kilala bilang “Access Devices Regulation Act of 1998”.

Nag-ugat ang kaso ng dating mag-business partner sa diumano’y hindi otorisadong paggamit ni Nicko Falcis sa credit card ni Kris Aquino.

Inakusahan din ni Kris Aquino si Falcis na namili umano ito ng mga personal na gamit na ginamit ang credit card ni Kris Aquino.

Paliwanag ni Kris, ang credit card na kanyang ipinagkatiwala kay Falcis ay maaari lamang gamitin sa gastusin sa kanyang kumpanya na Kris Cojuangco Aquino Productions.

Batay sa reklamo ni Kris Aquino, umabot sa 1.27 million pesos ang nakulimbat umano ni Falcis mula sa credit card ni Kris Aquino. | ulat ni Julius Gonzales