Pagsuporta ng PNP sa “Ang Probinsiyano,” hindi lalabag sa COA rules – PNP Chief
November 27, 2018

Hindi lalabag sa Commission on Audit (COA) regulations patungkol sa kagamitan ng gobyerno, ang pagsuporta ng Philippine National Police (PNP) sa produksyon ng “Ang probinsyano.”

Ito ang tiniyak ng PNP Chief Director General Oscar Albayalde, matapos lagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng PNP at ABS-CBN, kung saan ipinagkaloob ng PNP ang kanilang patuloy na suporta sa produksyon at nangako naman ang ABS-CBN na hindi nila sadyang sisirain ang imahen ng PNP sa pagtatanghal ng naturang palabas.

Nilinaw ni PNP chief, na ang kanilang pagsuporta sa palabas ay bahagi ng kanilang regular na aktibidad sa ilalim ng “Police Community Relations” sa layong ipamalas ang magandang accomplishments ng PNP.

Hindi rin aniya mismong mga sasakyan ng PNP ang ipapagamit sa produksyon ng naturang palabas, kundi mga sasakyan ng production team na kinabitan lang ng sticker at logo ng PNP.

Pero sinabi ni Albayalde, na magpapadala ang PNP ng mga “adviser” sa shoot para masiguro na nasa tama ang paggamit ng mga offical logo at insignia ng PNP sa naturang palabas.

Tungkol naman sa pagpapapagamit ng kanilang mga pasilidad bilang lokasyon, sinabi ni Albayalde na wala namang problema dito dahil bukas naman sa publiko ang NHQ sa Camp Crame.

Maging ang pagpapahiram ng mga totoong pulis para gumanap sa naturang palabas ay sa kondisyon lang ito, na hindi makakaapekto sa kanilang trabaho. | ulat ni Leo Sarne