Problema sa pagitan ng PNP at ABS-CBN kaugnay ng “Ang Probinsiyano”, naayos na
November 26, 2018

Nilagdaan ngayong umaga ang isang Memorandum of Understanding (MOU), sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ABS-CBN, na tumuldok sa hindi pagkakaunawaan ng magkabilang panig kaugnay ng popular na teleseryeng “Ang Probinsyano”.

Ito ay kasunod ng matagumpay na pag-uusap ng PNP, Department of the Interior and Local Government (DILG) at ABS-CBN noong nakaraang linggo, para ayusin ang reklamo ng PNP tungkol sa umano’y hindi magandang pagganap ng naturang palabas sa PNP.

Magugunitang unang inireklamo ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, ang pagtatampok sa karakter ng PNP chief sa naturang palabas bilang isang isang tiwaling opisyal na nakikipagkuntsabahan sa isang masamang Pangulo.

Kaugnay nito, binawi ng PNP ang suporta sa naturang palabas kabilang ang pagpapagamit ng kanilang mga uniporme, sasakyan at lokasyon.

Sa pamamagitan ng nilagdaang MOU ngayong umaga, tiniyak ng PNP ang kanilang patuloy na pagsuporta sa palabas, at nangako naman ang ABS-CBN na hindi nila sadyang sisirain ang imahen ng PNP sa pagtanghal ng palabas.

Kabilang sa mga lumagda sa MOU si PNP Chief Oscar Albayalde, PNP Director for Police Community Relations, PDir Eduardo Serapio Garado, ABS-CBN COO for broadcast Ma. Socorro Vidanes at MTRCB Chair Maria Rachel Arenas.

Dumalo din sa signing ceremony ang bida ng “Ang Probinsyano” na si Coco Martin, na ipinakilala ni PNP Chief bilang kanyang “idolo.” | ulat ni Leo Sarne