‘Election hotspots’ na tututukan ng PNP, umabot na sa 701 – PNP Chief
February 12, 2019

Umabot na sa 701 ang bilang ng mga ‘election hotspots’ na tututukan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng May midterm elections.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa isang press briefing sa Camp Crame.

Ayon sa PNP chief, ang bilang na ito ay halos kalahati o 42.9% ng 1,634 syudad at munisipyo sa buong bansa.

Paliwanag ng PNP chief, ang mga ‘hotspots’ na ito ay color-coded kung saan 223 ang Code Yellow o itinuturing na “areas of concern”, 382 ang Code Orange o “election areas of immediate concern”, at 94 ang Code Red o “election areas of grave concern”.

Sa mga Code Red areas, 27 ang nasa ARMM, 19 sa Bicol Region, tig-pito sa CALABARZON at Western Mindanao, tig-anim sa MIMAROPA at Western Visayas, lima sa Northern Minadano, tig-apat sa SOCSKSARGEN at Cordillera, tatlo sa Eastern Visayas, tig-dalawa sa Central Luzon at Davao Region, at tig-isa sa Caraga at Cagayan Valley Region, habang walang Red areas naman sa National Capital Region (NCR) at Ilocos Region.

Dahil sa pagtaas ng bilang ng mga hotspots batay sa pinakahuling validated information, sinabi ni Albayalde na pinag-aaralan ng PNP ang mga kinakailangang pagbabago sa deployment ng mga pulis para sa election duties.