IBP, nanawagan sa SC na umaksyon na laban sa mga pag-atake sa mga abogado sa bansa
March 15, 2019

Mariing kinukundena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pamamaslang sa isa nilang kasamahan sa Davao del Norte.

Sinabi ni IBP President Abdiel Dan Elijah Fajardo ang pagpatay kay Atty. Rex Jasper Lopoz kagabi ay pang-38 na sa kanilang hanay buhat noong Agosto ng 2016 nang pagbabarilin si Atty. Rogelio Bato Jr. na abogado ng napaslang na Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Binaril si Atty. Lopoz habang pasakay sa kanyang kotse sa labas ng isang mall sa Tagum City, Davao del Norte kagabi.

Ayon kay Atty Fajardo, ang mga abogado ay mga propesyunal na dapat ay hindi iniuugnay sa anumang krimen na nagawa ng kanilang mga kliyente dahil ginagawa lang nila ang kanilang trabaho na ipagtanggol ang kanilang mga kliyente.

Nananawagan ngayon ang IBP sa Korte Suprema na pangunahan ang masusi at impartial na imbestigasyon sa pagpatay sa mga Pinoy lawyers sa pamamagitan ng diyalogo sa pagitan ng SC, IBP, security forces at ilan pang organisasyon para matiyak ang seguridad ng mga abogado, maging mga prosecutor at hukom.  | ulat ni Lorenz Tanjoco