P210 M halaga ng gamit mula sa Japan, tinanggap ng PNP  
February 12, 2019

Tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ngayong umaga ang kalahating bilyong yen o P210 milyong halaga ng mga gamit na donasyon mula sa Japan.

Ang mga kagamitan na binubuo ng bomb suits, 6 na ballistic shields, higit 400 bullet proof vest at higit 400 ballistic helmet ay itinurn-over sa PNP ni Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda, sa Camp Crame.

Ang mga gamit ay ipamamahagi sa Explosive and Ordnance Division (EOD) teams at anti-terrorism units ng PNP.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ng PNP chief ang Japan sa kanilang patuloy na suporta sa PNP.

Magugunitang noong Nobyembre 2017, 100 brand new patrol vehicles naman ang i-dinonate ng Japan sa PNP.

Ayon sa PNP chief, ang huling donasyon ng Japan ay napapanahon dahil malaking tulong ito sa PNP sa kampanya kontra terorismo. | ulat ni Leo Sarne