Paratang ng Cotabato mayor sa pakikipagsabwatan ng militar sa MILF sa BOL plebiscite, itinanggi ng militar  
February 12, 2019

Marinig itinanggi ni 6th Infantry Division Commander Maj. Gen. Cirilito Sobejana ang alegasyon ni Cotabato City Mayor Cynthia Sayadi na nakipagsabwatan ang militar sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para matiyak na panalo ang Bangsamoro Organic Law sa siyudad.

Sinabi ni Sobejana sa panig ng militar ginagawa lamang nila ang mandato na protektahan ang publiko mula sa mga kalaban ng estado lalo na noong kasagsagan ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law.

Giit ni Sobejana, malinis ang kanilang konsensya at handa silang sagutin ang naturang paratang.

Naghihintay lang aniya siya ng pagkakataon na personal na makausap si Mayor Sayadi.

Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, hindi makatarungan sa mga sundalo ang naturang paratang.

Hinamon ng AFP si Mayor Sayadi na maglabas ng ebidensya para patunayan ang kaniyang alegasyon at huwag siraan ang magandang reputasyon ng militar.  | ulat ni Leo Sarne