PNP, nagpaliwanag sa umano’y sobrang istriktong seguridad kay Sen. De lima
February 12, 2019

Nagpaliwanag ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa umano’y sobrang istriktong seguridad na ipinapatupad kay Senator Leila de Lima tuwing dumadalo ito sa pagdinig sa korte.

Ito ay matapos na makipagpulong si Sister Mary John Mananzan at dating Presidential Peace Adviser Secretary Ging Deles at iba pang mga women’s rights advocates kay Ssupt Vicente Calanoga, chief ng Directorial Staff ng PNP Headquarters Support Service kahapon sa Camp Crame.

Ipinakita ng grupo ang mga larawan kung saan halos masakal na si De Lima ng mga security escort na nakapalibot dito, kapag tinatangkang ma-interview ng media ang senador.

Inireklamo din ng grupo, na tila sinasadya ng mga security escort na hindi mapakinggan ang sinasabi ni De Lima dahil sabayang “umuubo” o nag-iingay ang mga ito tuwing sumasagot sa media ang senador.

Paliwanag naman ni Calanoga, high-profile inmate si De Lima kaya natural lang na pigilan ng security escorts nito ang sinumang nagtatangkang makalapit dito.

Giit ni Calanoga, para din ito sa kaligtasan ng senador at ginagawa lang ng mga pulis ang kanilang trabaho.

Gayunpaman, tiniyak ni Calanoga na pag-aaralan nila ang mga reklamo ng grupo at titingnan ang mga hakbang na pwedeng ipatupad sa pag-secure sa  senador. | ulat ni Leo Sarne