Tulong sa 7 Filipino seafarers na kinulong sa Libya at nakabalik na sa PH, tiniyak ng DOLE
March 15, 2019

Tatanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang pitong Filipino seafarer na umuwi mula sa Libya nitong Martes.

Sila ay sina Arthur Soria Taleno, Fulgencio Pederito Eulogio, Claro Camintay Allera, Abraham Senara Naduma, Jr., Ronnie Lumales Moniya, Gil Dellupac Cruzada, at Aldwin Salang-oy Emperada.

Nakulong sila sa Libya ng mahigit dalawang taon, kasama ang 20 Pilipino na nadakip matapos kunin ng Libyan Coast Guard ang tanker M/T Levante habang nakadaong sa international waters.

Nagpasalamt si Labor Secretary Silvestre Bello III sa pamahalaang Tripoli sa tulong na kanilang ibinigay para agad makauwi ng Pilipinas ang mga seafarers.

Nakabalik ng Pilipinas ang mga seafarer matapos silang mapawalang-sala ng Libyan High Court sa kasong fuel smuggling.

Sinabi ni Bello na makatatanggap ng tulong-pangkabuhayan at educational scholarship para sa kanilang mga anak ang pitong seafarer

Bago ang pagbabalik ng mga seafarer, nakatanggap ang kani-kanilang pamilya ng tulong-pinansiyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nagkakahalaga ng P50,000.  | ulat ni Lorenz Tanjoco