3 water sources, pagaganahin para matugunan ang kakulangan ng suplay sa tubig
March 15, 2019

Tiniyak ng Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS) kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa publiko na gagamitin nito ang lahat ng kanilang resources para agad matuldukan ang krisis sa tubig sa Metro Manila.

Ayon kay Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, batay sa ipinaabot sa kanilang impormasyon ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco, may tatlong water sources na silang natukoy para magsilbing augmentation measure sa kailangang suplay ng tubig.

Kabilang dito ang 50 million liters per day (MLD) mula sa Maynilad cross boarder plant, 50 MLD mula sa Manila Water Cardona Treatment Plant, at 100 MLD mula sa old wells ng Manila Water.

Ayon kay Andanar, responsibilidad ng water utility companies na tiyaking sapat ang suplay at distribusyon ng tubig sa publiko.

Hindi aniya kukunsintihin ng Pangulo ang isang sitwasyon kung saan hindi naibibigay sa mga Pilipino ang serbisyong dapat nilang natatamasa. | ulat ni Racquel Bayan