394 na lokal na opisyal na pinaghihinalaang sumusuporta sa NPA, mino-monitor ng PNP 
April 16, 2019

Mino-monitor ng Philippine National Police (PNP) ang 394 na lokal na opisyal na pinaghihinalaang sumusuporta sa New People’s Army (NPA).

Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, sa oras na makakuha ng matibay na ebidensya ang PNP laban sa mga ito ay sasampahan ang mga ito ng kaukalang kaso.

Paalala ni Albayalde, ang pagbababayad ng extortion money o permit to campaign fees sa NPA ay paglabag sa RA 10168 o “The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.”

Maaari aniyang kasuhan ng disloyalty ang mga opisyal na nagbibigay ng pera sa NPA, o ‘di kaya’y paglabag sa Code of Ethical Standards for Government Employees.

Bukod dito maaari din aniyang kasuhan ng rebelyon ang mga opisyal na ito kung mapatunayan na ang perang ibinigay nila ay ginamit sa tangkang pabagsakin ang pamahalaan.

Hindi naman binunyag ni Albayalde ang mga pangalan ng mga lokal na opisyal na kasama sa listahan na hawak ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sinabi lang ng PNP chief na ang kasama sa listahan ay: 11 provincial governors, limang vice governors, 10 provincial board members, 55 mayors, 21 vice mayor, 41 councillors, 126 barangay chairman, 50 barangay councilors, at walong iba pang barangay officials.  | ulat ni Leo Sarne