AFP Chief, ipinaabot ang pakikiramay sa mga namatayan sa lindol sa Pampanga
April 24, 2019

Ipinaabot ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Benjamin Madrigal ang pakikiramay ng buong hanay ng AFP sa mga namatayan sa Porac, Pampanga.

Ito ay sa pagbisita kahapon ni General Madrigal kasama sina DILG Secretary Eduardo Año, DND USec. Renato David, OCD Chair USec. Ricardo Jalad, Commander NOLCOM LTGen Emmanuel Salamat, at 7ID Commander MGen Leonard Agustin, sa Funeraria Punzalan sa Porac, kung saan nakahimlay ang lima sa mga namatay sa gumuhong Chuzon supermarket.

Mula sa punerarya, nagtungo ang mga opisyal sa gumuhong Chuzon supermarket, kung saan patuloy ang pagsasagawa ng search, rescue, and retrieval operations.

Pinapuhiran ni Gen. Madrigal ang mga sundalo na nakikipagtulungan sa mga rescue team ng BFP at MMDRRMC, sa kanilang walang-tigil na pagtatrabaho, na nagresulta sa pagkakaligtas ng siyam na tao at pagkarekober ng limang bangkay sa gumuhong gusali hanggang kahapon.

Mula doon ay nagtungo ang mga opisyal sa kapitolyo, kung saan nagpasalamat si Pampanga Governor Lilia Pineda kay Gen. Madrigal sa mabilis na pagresponde ng AFP na dala ang kumpletong kagamitan.

Sinabi naman ni Gen. Madrigal, na bagamat nakakalungkot ang mga ganitong insidente, nagsisilbi rin ito bilang pagsubok sa kakayahan ng AFP na rumesponde sa mga sakuna, upang makita kung ano pang pagsasanay at kagamitan ang kailangan ng AFP para maging mas epektibo. | ulat ni Leo Sarne