DSWD: May sapat na supply ng relief goods para sa mga naapektuhan ng lindol sa Luzon at Visayas
April 24, 2019

Tiniyak ng National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na supply ng family food packs (FFPs) ang ahensya, para sa mga naapektuhan ng magkakasunod na lindol sa Luzon at Visayas. Ito ang tiniyak ni NRLMB chief administrative officer, Claudio Nadal.

Ayon kay Nadal, lahat ng DSWD field offices ay may stock na 10,000 hanggang 15,000 na FFPs, na maaaring ipamahagi agad sa mga lugar na naapektuhan ng mga lindol.

Kayang tustusan ng isang FFP ang pagkain ng isang pamilya sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Dagdag pa ni Nadal, may buffer stock ang mismong NRLMB na mahigit 100,000 na FFPs, na handa nilang ipadala sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, sakaling magkulang ang mga ito ng supply.

Kampante rin si Nadal na hindi maaapektuhan ng sunod-sunod na lindol ang buffer ng NRLMB, dahil kayang mag-produce ng ahensya ng 50,000 FFPs sa isang araw.

May stock din ang NRLMB at mga DSWD field office ng non-food items gaya ng kumot, banig, at dignity kit para sa mga nasalanta ng magkakasunod na lindol. | ulat ni Jesson Tamondong