Kongreso, inatasan ang BI at DOLE na maghigpit sa pag-iisyu ng work permit sa mga dayuhan
February 12, 2019
Inatasan ng Senado at Kamara ang Bureau of Immigration (BI) at ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maghigpit sa pagbibigay ng permit sa mga dayuhan para sa kanilang pagtatrabaho sa bansa.

Ito ay nakapaloob sa special at general provision ng panukalang 2019 National Budget na pinagtibay ng Kongreso.

Bawal din mag-isyu ang Immigration ng temporary permit, maliban na lang kung ang dayuhan ay may hawak na Alien Employment Permit (AEP) o anumang sertipikasyon mula sa DOLE.
Dapat ring tiyakin ng DOLE, na hindi maaagrabyado ang mga Pinoy worker sa mga posisyon o trabaho na nais pasukan ng dayuhan.

Base kasi sa konstitusyon, maaari lamang ibigay ang trabaho sa mga dayuhan kung walang ibang Pilipino na kwalipikado sa trabaho. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes