Malacañang, hindi naniniwala sa ‘endorsement power’ ng Presidente para sa isang kandidato
February 12, 2019

Hindi kumbinsido ang Malacañang sa umano’y ‘magic’ ng endorsement power ng isang Presidente para makapagpanalo ng isang kandidato.

Tugon ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa harap ng komento ng mga observers at political analyst na magiging sukatan ang papalapit na midterm elections sa anila’y ‘magical powers’ ng Pangulong Rodrigo Duterte para makapagpanalo ng mga tumatakbo sa eleksiyon.

Ayon kay Panelo, ginagawa ng Pangulo ang pag-eendorso dahil sa paniniwalang ang mga binabanggit niyang mga pangalan ang may kapabilidad at dapat na maluklok sa puwesto.

Ang siste, ayon kay Panelo, ay binibigyan ng Presidente ang mamamayan na makapamili ng mga kandidatong sa tingin niya’y karapat-dapat pero hindi sa layuning subukan ang endorsement power nito.

Dagdag pa ng tagapagsalita, na hindi rin nila ipinapakahulugan na ang pagkakapanalo ng isang oposisyon, ay kabiguan sa ‘magical powers’ ng Presidente na mabitbit sa panalo ang isang tumatakbo.

Sa halip, ang pagkakapanalo aniya ng isang kandidato na hindi kaalyado ay dapat ipakahulugan na kaya siya nahalal ay para tumulong at hindi siraan ang administrasyon.   | ulat ni Alvin Baltazar