Iba pang politiko sa narco-list na ‘di binanggit ng Pangulo kagabi, hindi pa lusot sa kaso — PNP Spox
March 15, 2019

Hindi pa rin lusot sa kaso ang mga politkong nasa narco-list na hindi pinangalanan ng Pangulo kagabi.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Bernard Banac patuloy ang gagawing pag-validate at pangangalap ng ebidensya ng PNP sa mga politkong kabilang sa tinaguriang narco-list para masampahan ng kaso ang mga ito.

Magugunitang 46 na pangalan lang ang binanggit ng Pangulo kagabi na kinasuhan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Ombudsman.

Paliwanag ni Banac, may pinanghahawakang ebidensya ang pamahalaan na magpapakita ng “probabale cause” na nagpabaya ang 46 na ito sa pagkalat ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan, o di kaya’y prinotektahan ang mga operasyon ng iligal na droga.

Ito, aniya, ang dahilan kung bakit kasong administratibo lang at hindi kasong kriminal ang isinampa laban sa mga ito.

Pero sa oras aniya na may makalap na mas matibay na ebidensya ang PNP laban sa mga politikong nasa narco-list o mahuhuli sila sa akto, sila ay sasampahan ng kaukulang kaso.

Tinukoy ni Banac na mula 2016, 157 lokal na opisyal na karamihan ay mga baranggay officials, ang nasampahan na ng kasong may kinalaman sa iligal na droga.  | ulat ni Leo Sarne