Mga kampo ng pulis, off limits sa pangangampanya simula sa araw na ito — PNP Chief 
February 12, 2019

Off limits ang lahat ng kampo ng Philippine National Police (PNP) sa pangangampanya simula sa araw na ito.

Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief Directoe General Oscar Albayalde kasabay ng muling pagpapaalala sa mga pulis na mapaparusahan ang sinumang pulis na mangampanya para sa sinumang kandidato.

Bawal din aniya ang pagkakabit ng mga poster ng mga kandidato sa loob ng mga kampo, at maging sa mga sasakyan ng PNP.

Pero sinabi ng PNP chief na hindi nila mapipigilan ang mga sibilyan na pumapasok sa Kampo na maaaring nakasuot ng campaign paraphernalia o may sticker sa mga sasakyan.

May mga sibilyan kasi na nakikipagtransaksyon sa Firearms and Explosives Office (FEO) at sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOCIA), na hindi sakop ng pagbabawal sa mga pulis.

Gayunpaman, sinabi ng PNP chief na ang mga kandidato mismo ay hindi pahihintulutang mangampanya sa loob ng mga kampo.  | ulat ni Leo Sarne