Pagpabor ng Senado sa pagkaloob ng prangkisa sa korporasyong pag-aari ng anak ni Legarda, ikinadismaya ng isang grupo
February 12, 2019

Ikinalungkot ng Anti-Trapo Movement ang pagpabor ng Senado sa pagbibigay ng prangkisa sa kumpanyang pag-aari ng anak ni Senador Loren Legarda kahit sinasabing iligal ito.

Ayon kay Anti-Trapo Movement Founding Chairperson Leon Peralta, nawalan ng saysay ang kanilang kagustuhan na maimbestigahan sana ang pagkakaloob ng prangkisa sa Solar Para Bayan Corp. na pag-aari ni Leandro Leviste.

Dapat nagsagawa ng honest-to-goodness inquiry ang Senado at nalinis sana ang pangalan ni Legarda sa ipinupukol na kontrobersiya.

Ang senadora ay pinaratangan ng grupo at sinampahan ng ethics complaint sa Senado dahil nakiaalam daw ito upang mapadali ang pagpasa ng kamara sa panukalang-batas na nagbibigay ng  25 na taong prangkisa sa korporasyon .

Nagsumite ng reklamo ang grupo nang aprubahan ng House Committee on Legislative Franchises ang House Bill 8179.

Ito’y makaraang maghayag din ng pagtutol ang karamihan sa mga player ng power industry dahil sa plano ni Leviste na maglagay ng solar panel sa buong bansa na makakasama sa electricity industry.

Una nang inabisuhan ni Presidential Anti-Corruption Commission Executive Director Eduardo Bringas si Peralta  na ang kanyang mga kaso laban kay Legarda ay isinasaalang-alang para sa tamang disposisyon at angkop na pagkilos.   | ulat ni Rey Ferrer