Palasyo, nadismaya sa tugon ni Joma sa muling pagiging bukas ni PRRD sa peace talks
February 11, 2019

Dismayado ang Palasyo kay CPP-NPA founding chair Jose Maria Sison, sa naging pagtugon nito sa mga kondisyong inilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte para bumalik sa usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tila wala na naman sa katinuan si Joma na aniya’y nangangarap ng gising, sa gitna ng pagiging bukas na muli ng Pangulo para muling umusad ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA.

Nais ani Panelo, na palabasin ni Sison na mukhang nainsulto pa ito sa alok ng Presidente, partikular na sa ilang inilatag na kondisyon ng Pangulo para muling bumalik sa negotiating table.

Kabilang na dito ang demand ng Presidente na tigilan na ang pangongolekta ng revolutionary tax.

Sayang aniya ang ganitong mga pagkakataon, na dapat sana’y hindi pinalalampas ni Sison na kung saan, galing pa mismo sa Presidente ang ganitong alok sa ngalan ng kapayapaan. | ulat ni Alvin Baltazar