Pres. Duterte, ilalaan ang huling 3-taong termino sa pagsusulong ng isang mapayapang Mindanao
February 12, 2019

Ilalaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang huling tatlong taon ng termino upang isulong ang kapayapaan sa Mindanao.

Sa talumpati ng Pangulo sa harap ng mga benepisyaryo ng Land Ownership Award sa Maguindanao, hinikayat nito ang mga rebelde na bitawan na ang kanilang mga armas at magbalik loob na sa gobyerno.

Ayon sa Pangulo, hindi na kailangan pa ang New People’s Army (NPA), dahil ang ipinaglalaban naman ng mga ito na distribusyon ng lupa, ay ginagawa naman na niya sa kasalukuyan.

Sa katunayan ayon kay Pangulong Duterte, sinabi na niya kay Agrarian Reform Secretary John Castriciones na ipamahagi na ang lahat ng lupang dapat ipamahagi habang siya pa ang nakaupo bilang Presidente.

Lahat aniya ng maaaring ibigay, basta’t naaayon sa Konstitusyon ay kaniyang ipamamahagi.

Ayon sa Pangulo, sa oras na matapos ang kaniyang termino ay ipauubaya na niya sa mga lider sa Mindanao ang pangangalaga sa rehiyon.  | ulat ni Racquel Bayan