PRO-7: Hindi si Jonas Bueno ang primary suspect sa pagpatay kay Christine Silawan
March 16, 2019

Nilinaw ni Police Regional Office Region 7 Director Chief Supt. Debold Sinas ang mga balita, na hindi si Jonas Bueno ang primary suspect sa pagkakapatay sa 16 na taong gulang na dalaga na si Christine Silawan, ng Lapu-Lapu City, Cebu.

Ito ang paglilinaw at ibinigay na update ni Police Regional Office Region 7 Director Debold Sinas sa isinagawang press conference sa Cebu.

Ayon kay Sinas, posibleng kakilala ni Silawan ang person of interest sa karumaldumal na krimen.

Ito ay isa sa kanilang teyorya, base sa nakalap nilang impormasyon at mga CCTV footage, kung saan makikita ang dalaga na naka-angkas sa isang motor kasama ang isang lalaki.

Kahit hindi malinaw ang kuha ng mukha ng naturang lalaki, nilinaw ni Sinas na hindi konektado ang pagpatay na nangyari kay Silawan at sa isang magsasaka na pinatay ni Bueno noong ika-11 ng Enero sa lungsod ng Danao, Cebu.

Nabanggit lang si Bueno, dahil pareho ang pagkakapatay sa magsasaka at kay Silawan na binalatan.

Si Bueno ay may standing warrant of arrest sa kasong murder dahil sa pagpatay sa magsasaka.

Iginiit din ni Sinas, na hindi galing sa kanila ang impormasyon na si Bueno ang primary suspect sa pagkakapatay sa dalagita sa lungsod ng Lapu-Lapu.

Bukod sa isa pang person of interest, meron pang dalawang katao ang iniimbestigahan ng kapulisan na may kinalaman sa kasong ito.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang case build up ng PNP upang mahuli ang totoong salarin. | ulat ni Carmel Matus, DYMR RP Cebu