PRRD, bineto ang panukalang layong palakasin ang OSG at dagdagan ang benepisyo ng mga empleyado
March 15, 2019

Hindi pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na naglalayong palawakin ang kapangyarihan ng Office of the Solicitor General (OSG) at dagdagan ang benepisyo ng mga empleyado nito.

Ayon sa Pangulo, bagamat suportado niya ang pagpapalakas ng OSG, ang nilalaman aniya ng panukala na dagdag benepisyo ay taliwas sa kasalukuyang compensation benefits na natatamasa ng lahat ng nasa opisina ng gobyerno.

Sa ilalim kasi ng panukalang batas, isang probisyon ang dapat na idadagdag sa RA 9417 na partikular na tutukoy sa retirement benefits ng Solicitor General, Assistant Solicitor General, Senior State Solicitor, State Solicitor II, at State Solicitor I, na nakapagbigay na ng serbisyo ng labing limang taon sa OSG o sa ano mang sangay ng gobyerno.

Ayon sa Pangulo, lilikha lang ito ng kaguluhan at isyu ng hindi pagkakapantay-pantay ng mga public servant sa ilalim ng Executive Branch.

Kaugnay nito, hinihiling naman ng Pangulo sa Kongreso na pag-aralan muli ang panukalang batas at umaasa siyang sa hinaharap ay may mapapagkasundaan ang Kongreso at Pangulo na paraan upang mapalakas ang OSG. | ulat ni Racquel Bayan