Sen. Gordon: Kilalaning mabuti ang mga tatakbong senador
February 12, 2019
Sa pagsisimula ngayon ng kampanya ng senatorial candidates, nagpaalala si Senador Richard Gordon sa mga botante na huwag magpaloko sa gimik ng mga kandidato.

Ayon kay Gordon, mahalaga na makilala ng mga botante ang kwalipikasyon ng kanilang mga iboboto sa May 13 Midterm Elections.

Babala ng mambabatas, huwag magpadala sa mga gimmick ng mga kandidato sa telebisyon, radyo at iba pa, bagkus pag-aralan aniya ang kanilang mga credential.

Dapat ayon kay Gordon, ang iluluklok sa Senado ay yung marunong makipagdebate, magsalita at dumipensa sa mga panukalang batas na tatalakayin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Nanawagan din si Gordon sa Commission on Elections (COMELEC), na magdaos ng public debate na dadaluhan ng mga kandidato kaysa sa mga scripted na TV at radio ads.

Si Gordon ay kilalang nagsusulong na bawasan ang campaign spending para maging patas ang laban ng lahat ng kandidato. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes