Sen. Lacson, lubos ang kasiyahan sa paglagda ni Pangulong Duterte sa kanyang panukalang national ID system
August 07, 2018

Lubos ang kasiyahan  ni Sen. Ping Lacson sa paglagda ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang panukalang national ID system bilang isang ganap na batas.

Matapos na hindi mabigyan ng kaukulang pansin sa nakalipas na ilang administrasyon, ganap nang naging batas at mapakikinabangan na ng mamamayan ang panukalang national ID ni Sen. Lacson.

Ang naturang panukala na inumpisahang isulong ni Lacson taong 2001 nang maging senador siya sa unang pagkakataon ay nilagdaan na kahapon ng Pangulong Duterte bilang Republic Act 11055 sa isang seremonya sa Malacañang.

Ipinaabot ni Lacson ang personal niyang pasasalamat sa Pangulong Duterte dahil bagama’t halos nasa kalagitnaan pa lamang ang termino nito ay napabilang na ang panukala sa mga nalagdaan bilang batas.

Sa ilalim ng nabanggit na batas, sinabi ni Lacson na mapabibilis na ang transaksiyon ng isang indibidwal sa mga ahensiya ng pamahalaan oras na magkaroon siya ng ID dahil ito na lamang ang pagbabatayan ng kanyang pagkakakilanlan.

Aniya, sa kasalukuyang sistema, kinakailangan pang magprisinta ng dalawa o mas marami pang government-issued ID ang isang nakikipag-transaksiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga bangko bago maiproseso ang mga papeles nito na nagiging dahilan para maantala ang pag-usad.

Bukod sa mga transaksiyon sa pamahalaan at mga bangko, makatutulong din ang national ID para matukoy o mahanap ang mga taong may atraso o kaya ay may mga kinasasangkutang kriminalidad.  | ulat ni Jojo Ismael