Sens. Lacson, Poe: Mga indibidwal sa narco list na inilabas ng Malacañang, dapat kasuhan
March 15, 2019

Dapat nang kasuhan ang mga indibidwal na kabilang sa narco list na inilabas ng Malacañanag sa publiko, ayon kina Senators Ping Lacson at Grace Poe.

Ayon kay Lacson, kasabay ng pagsasapubliko ng mga pangalan ay ang pagsasampa ng kasong administratibo ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ito ay upang malinis ang pangalan ng mga isinasangkot sa iligal na droga sa proper forum gaya ng Office of the Ombudsman.

Nasa kamay na ng imbestigador na madaliin ang proseso, para agad na malinis ang mga pangalan ng kulang ang basehan na napasama sa listahan.

Kailangan din aniyang magsagawa na ng preliminary investigation para sa posibleng criminal prosecution, para sa mga pulitiko na may ebidensyang magpapatunay laban sa kanila.

Sinabi naman ni Senator Grace Poe, naniniwala siya sa desisyon ng Pangulo sa paglalabas ng narco list bilang isang abugado.

Ang mahalaga aniya ay mapatunayan ng korte ang pagkakasangkot ng mga nasabing pulitiko.

Aminado rin ang mambabatas na noong una ay hindi siya pabor na ilabas ang listahan dahil panahon ng eleksyon, pero aniya, napaisip siya nung nakita niya ang mga pangalan sa listahan. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes