Alcohol Tax Reform Bill, aprubado na sa ikalawang pagbasa
By Kathleen Jean Forbes - August 15, 2019 , 8:18 am

Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 1026 o ang Alcohol Tax Reform Bill.

Ito ang kauna-unahang panukala na isa rin sa mga priority tax measure ng administrasyon na na-aprubahan ng 18th Congress.

Sa orihinal na bersyon ng panukala, tanging alcoholic beverages lamang ang dapat dagdagan ng buwis, ngunit sa isinagawang interpellation sa plenaryo kahapon, nagkaroon ng ilang substitution sa probisyon ng batas kung saan isinama na rin sa mga dadagdagan ng buwis ang iba pang nicotine products tulad ng e-cigarettes at vape.

Kung tuluyang maisasabatas, simula January 2020, magkakaroon na ng 22-percent na ad valorem tax sa net retail price ng distilled spirits bukod pa sa excise at value added tax at specific tax na P30 per proof liter.

Tataas naman ito sa P40 sa 2021 at P45 nman sa 2022.

Simula naman sa 2023 hanggang sa mga susunod na taon, bukod sa ad valorem tax ay tatatas ang specific tax ng pitong porsyento.

Iba pang buwis na ipapataw sa sparkling wines na magkakaroon ng ad valorem tax na 15-percent sa net retail price per liter at dagdag na P656 na specific tax per liter.

P60 per liter naman ang dagdag buwis para sa mga still and carbonated wines habang P32 pesos ang para sa fermented liquors at alcopops.

Samantala, inihayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano na sa Martes na nila matatanggap ang National Expenditure program o 2020 National Budget.

Aniya, agad nila itong iaakyat sa House Committee on Appropriations at posibleng agad magsagawa ng meeting sa Huwebes at Biyernes sa susunod na linggo.

YOU MIGHT ALSO LIKE