Ani ng mga lokal na magsasaka, ipinanawagan na isama sa ‘buy local’ campaigns
By Nimfa Asuncion - July 3, 2020 , 8:19 pm

Hinikayat ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Department of Agriculture (DA) at ang Department of trade and industry (DTI) na bigyan ng mas malakas na suporta ang local agricultural sector para makabangon mula sa pagkalugi na idinulot ng COVID-19 pandemic.

Kaugnay nito, sinabi ni Zubiri na dapat isama ng DTI ang mga ani ng ating mga lokal na magsasaka sa kanilang mga buy local campaigns gaya ng Go Lokal! at PinasMunaTayo.

Aniya, kailangan ng mga local producers ang platform na ito upang mailapit sa publiko ang kanilang mga produkto.

Ayon sa Senador, sa ganitong panahon, dapat ay pinaprayoridad natin ang pagbili ng mga bigas, livestock, local produce, asukal at iba pang produktong mula sa pilipinas.

Gayunpaman, puna ng mambabatas na hindi ito nagagawa dahil mas napapaboran ang trade practices at importasyon ng mga produkto mula sa ibang bansa.

Giit ni Zubiri, sapat naman ang ating suplay at katunayan ay nahihirapan pa ngang makahanap ang ating mga local producers ng mabebentahan kaya’t hindi na kailangan ang importasyon.

YOU MIGHT ALSO LIKE