!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Balik-operasyon na ang 4 na paliparan ng NAIA mamayang alas-11:00 ng gabi
By Hajji Kaamiño - December 3, 2019 , 9:20 pm

Inanunsyo ng Manila International Airport Authority (MIAA) na magbabalik-operasyon na ang apat na paliparan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mamayang alas-11:00 ng gabi.

Ito ang naging resulta ng joint consultation sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), domestic airline operators, Airline Operators Council, MIAA Operations Team at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa ginanap na press briefing, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na dahil sa bumubuting lagay ng panahon binuksan ang mga runway ng NAIA kaninang alas-6:00 hanggang alas-11:00 ng gabi para pabalikin sa Maynila ang domestic carriers na lumikas sa iba’t ibang local airports.

Limampu’t tatlong eroplano ang babalik sa NAIA terminals na binubuo ng walo mula sa Philippine Airlines, 30 mula sa Cebu Pacific at 15 mula sa AirAsia.

Bibigyan naman ng prayoridad simula 11:00PM ang arrivals at departures na naka-schedule pero mananatiling suspendido ang regular maintenance para magkaroon ng pagkakataon ang airline companies na magpatupad ng recovery flights depende sa approved slots ng MIAA.

Nagpaalala rin si MIAA General Manager Ed Monreal sa mga pasahero na huwag munang magtungo sa paliparan kung wala silang kumpirmadong bookings at magiging chance passenger lang.

Mas makabubuti aniya na makipag-ugnayan muna sila sa airline companies para sa rebooking procedures.

YOU MIGHT ALSO LIKE