Closure ng Aurora-Araneta intersection sa Quezon City, tuloy na mamayang gabi – MMDA
By Rey Ferrer - August 15, 2019 , 8:20 am

Simula mamayang gabi, tuloy na ang closure o pagpasara ng Aurora-Araneta intersection sa Quezon City.

Ang closure ng intersection, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay pasisimulan dakong alas-11:00 ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.

Ito ay para bigyang-daan ang konstruksyon ng Skyway connector na nag-uugnay sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway.

Lahat ng light vehicles mula Cubao patungo ng Manila ay maaaring gamitin ang Guirayan Street malapit sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Hospital para makapasok sa Araneta Avenue, habang ang mga motorista mula sa Mendiola naman ay maaaring gamitin ang Old Sta. Mesa Road.

Ang iba pang alternate routes na maaaring gamitin ng mga motorista ay ang mga sumusunod:

Lahat ng mga sasakyan na magmula sa Shaw Bouelavard/ V. Mapa ay tuloy-tuloy lang sa Magsaysay Boulevard, hanggang Santol Street, kanan ng Palanza, Landargun, o Bayani Road; pagkatapos ay kaliwa ng G. Araneta Avenue.

Ang manggagaling naman ng Cubao to Manila, mula Aurora Boulevard, kakanan sa Guirayan Street, kaliwa sa Palanza, at muling kumaliwa sa Tomas Arguelles o Santol Street hanggang sa Magsaysay Boulevard.

Ang mga manggagaling naman ng N. Domingo at Blumentritt ay maari nilang gamitin ang F. Roman, H. Lozada Street at J. Ruiz Street.

Sa mga manggagaling ng North, mula C-3 Sgt. Rivera Road, maaari silang kumanan sa Bayani, Landargun, at Palanza Street; kaliwa sa Santol, kaliwa sa Magsaysay Boulevard, pagkatapos ay gamitin ang V. Mapa St. hanggang Old Sta. Mesa Road.

Lahat naman ng trucks at iba pang heavy vehicles mula Cubao at patungo ng Manila ay ida-divert sa E. Rodriguez Avenue, at tuloy-tuloy na sa Welcome Rotonda sa Quezon Avenue hanggang España Boulevard.

Maaari silang kumaliwa sa Lacson Avenue hanggang Nagtahan Bridge.

YOU MIGHT ALSO LIKE