DOT, tiniyak na ligtas ang al fresco at indoor dining sa bagong classification
By Hajji Kaamiño - September 14, 2021 , 1:47 pm

Ikinalugod ng Department of Tourism (DOT) ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang dine-in at interzonal leisure travel para sa mga residente ng Metro Manila ngayong isasailalim ito sa Alert Level 4 classification.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, mas ligtas ang indoor at al fresco dining ngayon lalo’t 99 percent ng tourism workers na nagtatrabaho sa hotels sa National Capital Region (NCR) ang nabakunahan na laban sa COVID-19.

Sa kabuuan, 94 percent na ang vaccination rate sa rehiyon kasama ang mga manggagawa sa DOT-accredited restaurants.

Makatutulong aniya sa unti-unting pagsigla ng ekonomiya ang pagpapahintulot sa fully vaccinated guests na makapasok sa dine-in restaurants habang pinapanatili ang kaligtasan ng guests at tourism workers.

Gayunman, ipinaalala ng kalihim sa tourism-related establishments sa Metro Manila na bawal pa rin ang staycation, indoor tourist attractions, at indoor venues para sa Meetings, Incentives, Conferences and Exhibitions o MICE.

Hindi rin papayagan ang below 18 at above 65 years old na lumabas ng bahay para sa leisure travel.

YOU MIGHT ALSO LIKE
business
Growth target ng bansa, makakamit pa rin ngunit kailangan ng mas agresibong pagpapabakuna
October 15, 2021