!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
DTI, minomonitor ang presyo ng pangunahing bilihin sa Davao del Sur
By Sheila Lisondra - October 21, 2019 , 10:40 am

Patuloy na minomonitor ng provincial office ng Department of Trade and Industry (DTI) Davao del Sur ang presyo ng mga pangunahing bilihin matapos ang pagpapasarado ng 15 mga mall at department stores sa probinsiya, dahil sa sira at bitak sa istraktura bunsod ng pagtama ng 6.3 magnitude na lindol noong nakaraang linggo.

Ayon kay Marivic Placer, DTI provincial consumer protection division chief, nakatanggap sila ng report na ilan sa mga business establishment sa probinsiya ay nagpatupad ng price hike sa kanilang mga paninda matapos magpalabas ng kautusan ang lokal na pamahalaan na isara ang ilan sa mga malalaking tindahan, dahil sa mga bitak na nakita sa kanilang istraktura.

Agad umanong naglibot ang price monitoring team sa mga tindahan na umano’y iligal na nagpatupad ng price hike sa kanilang mga paninda.

Posibleng kanselahin ang business permit ng mga ito kung sakaling mapatunayan na walang sapat na rason ang pagtataas nila ng presyo sa mga bilihin.

Samantala, nananawagan naman ang DTI sa mga konsyumer na bisitahin ang kanilang online list sa suggested retail prices (SRP) sa prime commodities sa pamamagitan ng www.dti.gov.ph.

YOU MIGHT ALSO LIKE