Economic recession, dapat maging eye-opener sa IATF
By Nimfa Asuncion - August 6, 2020 , 6:14 pm

Dapat nang maging eye-opener para sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at sa mga economic managers ng bansa ang recession na idinulot ng COVID-19 pandemic ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Ayon kay Drilon, ang recession ay resulta ng ‘shotgun’ approach ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 at ipinapakita aniy nito ang realidad ngayon na maraming Pilipino ang nagugutom, walang trabaho, walang pera at ubos na ang ipon.

Aniya, maibabangon lamang muli ang demand side ng ekonomiya kung magkakaroon ng kumpiyansa ang mga tao sa kakayahan ng pamahalaan na tugunan ang pandemyang ito.

Pinunto ng minority leader na ang 16.5 percent na pagbaba sa GDP ng bansa ngayong 2nd quarter ay mas mababa kaysa sa inasahan ng BSP na 5.7 hanggang 6.7 percent na pagbaba lamang.

Kaya naman, kailangan na aniyang kumilos agad ng gobyerno sa mga nalalabing buwan ng taon upang matulungan ang mga mahihirap at maibangon ang demand side ng ekonomiya.

Kabilang sa mga mungkahi ni Drilon ang pagpapalawak ng Social Amelioration Program at pagpapataas ng stimulus fund na nakapaloob sa Bayanihan 2.

YOU MIGHT ALSO LIKE