Makati City, nakakolekta ng halos P17B na buwis
By Hajji Kaamiño - December 9, 2019 , 9:10 am

Umabot sa P16.8 bilyon ang nalikom na buwis ng Makati City government para sa taong 2019.

Sa report ng City Treasurer kay Mayor Abby Binay, nakapagtala ang lungsod ng 98 percent na revenue collection mula sa target na P17.12 bilyon.

Pinakamalaking bahagi ng nakolektang buwis ay galing sa business tax na nagkakahalaga ng P9.3 bilyon o katumbas ng 95 percent.

Ikinatuwa ng alkalde ang malaking kontribusyon ng business sector sa Makati, lalo’t maraming bagong negosyo ang itinatayo ngayon bukod pa sa libu-libong patuloy na nagpapalago ng puhunan.

Batay sa records ng Business Permit and Licensing Office, 4,936 ang newly-registered businesses habang halos 35,000 naman ang nag-renew ng permit nitong November 26.

Pumalo rin sa P40.47 bilyon ang capital investment ng mga bagong negosyo, habang ang gross sales ng mga nag-renew ng permit ay nasa P1.41 trilyon.

Samantala, nakamit naman ng Makati ang 100 percent na target nito para sa locally-sourced revenue, na kinabibilangan ng Business Tax, Real Property Tax, Fees and Charges at Economic Enterprise.

YOU MIGHT ALSO LIKE