Matapos palawigin ang MECQ sa NCR, isang mambabatas umapela na buksan na ang ekonomiya ng bansa
By Kathleen Jean Forbes - September 9, 2021 , 4:22 am

Nanawagan si Marikina Representative Stella Quimbo na buksan na ang ekonomiya ng bansa kasunod ng pagpapalawig ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.

Aniya, bunsod ng muling pagtaas ng inflation rate nitong Agosto sa 4.9%, nangangailangan nang buksan ang ekonomiya ng bansa.

Sa gitna kasi ng pagtaas ng presyo ng bilihin  lalo na ng pagkain tulad ng karneng baboy, isda, at mga gulay, ay nananatili pa ring sarado ang ekonomiya at walang panggastos ang Pilipino.

Kayat’t kung magpapatuloy ang malawakang lockdown, ay hindi na magiging sapat ang pagkain lalo na para sa mga “no work, no pay workers” na umaabot ng six million sa National Capital Region (NCR) plus areas.

Dahil naman dito, sinusuportahan ni Quimbo ang pagpapatupad ng granular lockdowns.

Sa pamamagitan aniya nito pili lamang ang mga lugar na naka-lockdown habang sa ibang lugar ay pinapayagan namang maghanap buhay at magbukas ang mga negosyo.

Ngunit paalala ng kinatawan na magiging epektibo lamang ang granular lockdown kung mayroong ayuda para sa mga apektadong kabahayan.

Dahil kung hindi ay lalabas pa rin aniya ang mga tao para maghanapbuhay.

YOU MIGHT ALSO LIKE
business
Growth target ng bansa, makakamit pa rin ngunit kailangan ng mas agresibong pagpapabakuna
October 15, 2021