Mga senador, nababahala sa epekto ng pagkakawala sa ere ng ABS-CBN
By Nimfa Mae Asuncion - July 11, 2020 , 1:11 pm

Nag-aalala ang ilang mga senador sa magiging epekto sa bansa ng hindi pagkakagawad ng legislative franchise sa ABS-CBN.

Ayon kay Senador Sonny Angara, masama ang magiging epekto ng desisyon ng House committee sa ekonomiya ng bansa.

Hindi lang aniya sa broadcasting industry ito makakaapekto kundi maging sa advertising, at creative industries gaya ng directing, acting, editing, music, set design, at iba pa.

Dagdag pa ni Angara na hindi rin maganda ang epekto nito sa press freedom at sa uri ng ating demokrasya.

Para naman kay Senador Joel Villanueva, isang seryosong problema ang pagkakawala ng trabaho ng 11,000 manggagawa ng kumpanya.

Aniya, hirap na nga ang pamahalaan na lumikha ng trabaho para sa ating mga kababayan at magbigay ng tulong sa kanila ngayong panahon ng pandemya, madagdagan pa ito ngayon.

Hiling ngayon ni Villanueva na sana ay may malinaw na plano ang gobyerno upang mabigyan ng agarang tulong ang mga apektadong empleyado at kanilang mga pamilya.

Sinabi naman ni Senador Grace Poe na malayo man sa pagiging isang perpektong organisayon ang ABS-CBN, hindi naman maikakailang matimbang pa rin ang magagandang nagawa nito para sa mga Pilipino.

Aniya, ang tama at ang constitutional na pagtugon dito ay ang payagan silang itama ang kanilang mga pagkakamali gaya ng oportunidad na binigay sa ibang binigyan ng prangkisa.

Giniit ni Poe na ang ginawang ito ng Kamara ay nagtakda ng mataas na standard sa pag-apruba ng mga prangkisa at maaaring makaapekto sa mga kasalukuyang active franchises.

YOU MIGHT ALSO LIKE