NEDA, suportado ang MECQ sa kabila ng inaasahang epekto nito sa ekonomiya
By Merry Ann Bastasa - August 5, 2020 , 2:08 pm

Sa kabila ng panibagong epekto nito sa ekononiya, nauunawaan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pangangailangan sa pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon kay Socio-Economic Planning Chief Secretary Karl Chua, mahirap ngunit mahalagang desisyon ang pagbabalik sa MECQ ng Metro Manila at ilan pang karatig lalawigan upang makapagpahinga ang healthcare system ng bansa.

Bukod dito, ang dalawang linggong MECQ ay magbibigay rin umano ng panahon sa gobyerno upang i-reassess ang COVID-19 approaches, procedures, at response protocols nito.

Sa kabila naman ng inaasahang short-term na epekto ng MECQ sa ekonomiya ay naniniwala ang kalihim na may positibong idudulot pa rin ito partikular sa productivity at consumer confidence.

Upang masiguro na hindi manganganib muli ang trabaho ng mas maraming Pilipino, ayon kay Chua, kailangan ang kooperasyon ng gobyerno at pribadong sektor sa reopening ng ekonomiya.

Umaasa rin ang kalihim na agad nang maisasabatas ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, kung saan nakapaloob ang alokasyong P50-bilyong capital infusion sa mga government financial institutions para sa loans at credit guarantees ng MSMEs o micro, small, and medium enterprises.

YOU MIGHT ALSO LIKE