P20-B trust fund ng OWWA, maaaring gamitin sa pagtulong sa mga displaced OFW — Drilon
By Nimfa Mae Asuncion - May 25, 2020 , 5:51 pm

Dapat pang pagbutihin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga hakbang nito sa pagtulong sa mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Partikular na binanggit ng senador ang dapat ay paggamit ng OWWA sa P20-bilyong pisong trust fund nito para makapagbigay financial at livelihood assistance sa mga OFW.

Giit ni Drilon, hindi maaaring gamiting rason ng ahensya na maaapektuhan ang kanilang investment kapag ginalaw ang pondong ito dahil ang perang ito ay mula rin naman aniya sa mga OFW.

Ang gamit rin aniya ng pondong ito ay hinid para sa investment kundi para tulungan ang mga OFW sa mga panahong tulad ng nararanasang krisis ngayon ng buong mundo dahil sa COVID-19.

Dagdag pa ng mambabatas, maituturing na ring investment ang pagtulong ng OWWA sa mga OFW dahil kung muli silang makakahanap ng trabaho sa ibang bansa ay muli rin silang makakapag-remit ng pera sa kanilang mga pamilya dito sa bansa at makakatulong rin sa ating ekonomiya.

Hindi na rin aniya kailangan pa ng dagdag na pondo ng OWWA mula sa pamahalaan.

Nakatakdang maghain si Drilon ng isang resolusyon para silipin ang sitwasyon ngayon ng mga OFW at kung paano sila tinutulungan ng OWWA.

YOU MIGHT ALSO LIKE