Pilipinas, nakakuha ng puntos na 4.8 sa National Action Plan Phase IV
By Merry Ann Bastasa - November 22, 2021 , 8:34 pm

Bahagyang umakyat sa 4.83 ang puntos na nakuha ng Pilipinas sa implementasyon nito ng National Action Plan Phase IV nitong Oktubre.

Batay yan sa inilabas na scorecard ng National Economic and Development Authority (NEDA), hinggil sa lagay ng COVID-19 recovery efforts ng pamahalan nitong Setyembre hanggang Oktubre.

Sinukat sa naturang scorecard ang naging pagtugon ng pamahalaan pagdating sa infection management, vaccine rollout, at socioeconomic recovery.

Sa kabuuan, nakakuha ng score na 4.42 out of 9 ang bansa noong Setyembre at 4.83 noong Oktubre.

Pinakamataas ang puntos sa vaccine rollout dahil sa tuloy-tuloy na pagbabakuna ng mga bagong vaccine doses, at pagtaas ng bilang ng fully vaccinated individuals.

Nasa 1.25  naman ang puntos ng Pilipinas sa infection management noong Setyembre, na siyang kasagsagan ng COVID surge at mataas na bilang ng severe at critical COVID cases. Bahagya itong umakyat sa 1.44 noong Oktubre, dahil sa pagbuti ng COVID situation.

Habang sa socioeconomic recovery, bahagyang bumaba sa 2.10 ang puntos nitong Oktubre kumpara sa 2.18 noong Setyembre dahil sa flight restrictions.

Kumbinsido naman ang NEDA, na mayroon nang ‘considerable progress’ ang Pilipinas pagdating sa implementasyon ng National Action Plan Phase IV.

Inaasahan pa nitong lalong tataas ang puntos na makukuha ng bansa pagdating ng Nobyembre, sa lalong pagbuti ng COVID situation.

YOU MIGHT ALSO LIKE