201 reklamo sa SAP, inaksyonan ng CIDG
By Leo Sarne - June 2, 2020 , 11:34 am

Umaabot na sa 201 reklamo mula sa 471 na complainant tungkol sa anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Package (SAP) ang inaksyonan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Ayon kay CIDG Deputy Director Police Col. Rhoderick Armemento, karamihan sa mga reklamong kanilang tinanggap, ay tungkol sa pinaghahating SAP subsidy para mas marami umano ang mabigyan.

Iniulat ni Armemento na sa 201 reklamo, 98 ang tuluyang sinampahan ng kaso, lima ang “for case filing”, tatlo ang inendorso sa ibang ahensya, 75 ang sumasailalim sa case build up, at 20 naman ang hindi masampahan ng kaso sa balidong kadahilanan.

Dalawa naman sa mga inireklamo ang naaresto, isang barangay executive officer ng Cabalan, Olangapo City at barangay secretary sa Bansalan, Davao del Sur.

Base ito sa datos ng CIDG, mula April 1 hanggang May 28, 2020.

Magugunitang pinayuhan ng DILG ang mga mamamayan na direktang isumbong sa PNP ang mga anomalya sa pamamahagi ng SAP sa kani-kanilang mga baranggay.

YOU MIGHT ALSO LIKE