Administrasyong Duterte, ‘di titigil sa pagpapatatag ng labor market kahit patuloy ang pagbaba ng unemployment rate sa bansa
By Racquel Bayan - December 5, 2019 , 11:10 pm

Ikinatuwa ng Palasyo ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa.

Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ay kasunod ng pinakahuling resulta ng Philippine Statistics Authority (PSA) survey kung saan lumalabas na sa buwan ng Oktubre, bumaba pa sa 4.5% ang unemployment rate sa bansa.  Habang 13% naman ang pagbaba sa rating ng underemployed Filipinos.

Ayon kay Secretary Panelo, base sa DOLE ang mga positibong development na ito sa labor market ay bunga ng masiglang wholesale at retail trade, transportasyon at storage, konstruksyon, edukasyon, mga aktibidad sa accommodation at food services, public administration at defense.

Kabilang na rin aniya dito ang pagbangon ng employment rate sa linya ng agrikultura.

Nagbukas rin aniya ng pinto para sa mas maraming foreign direct investments ang independent foreign policy ng administrasyon na siya namang nakagawa ng mas maraming trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino. Isa, aniya sa mga nakapag-ambag sa inclusive at patuloy na economic growth ng bansa.

Kaugnay nito, tinitiyak ng Palasyo na magtutuloy-tuloy pa ang pagpapatatag ng administrasyong Duterte sa labor market ng Pilipinas.

YOU MIGHT ALSO LIKE