!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
BuCor Legal Chief Atty. Santos, iginiit na wala siyang alam tungkol sa ‘GCTA for sale’
By Nimfa Asuncion - September 12, 2019 , 3:07 pm

Itinanggi ni Bureau of Corrections (BuCor) legal Division Chief Atty. Fredrick Santos ang lahat ng alegasyon laban sa kanya.

Una na diyan ang tungkol sa pagkakasangkot niya sa tinatawag na good conduct time allowance (GCTA) for sale.

Ayon kay Santos, hindi niya alam ang tungkol sa modus na ito at katunayan ay unang beses lang niyang narinig ang tungkol dito nang matalakay na ito sa pagdinig ng Senado.

Aniya, mahirap dayain ang GCTA dahil partikular na ang nakasaad sa batas tungkol sa pagbibilang ng good conduct time credit.

Pinabulaanan rin ni Santos ang tungkol sa pagkakasangkot niya sa ilegal na droga at ang sinasabing pakikipag jamming niya diumano sa mga preso sa loob.

Giit ni Santos, kailanman ay hindi siya gumamit ng ilegal na droga at regular rin siyang sumasailalim sa drug test.

Maaari aniyang mayroon lang naninira at gumaganti sa kanya.

Umabot na kasi aniya sa 231 drug cases ang naisampa niya sa mga inmate na nahuli nilang gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng bilibid.

Sa ngayon, dahil aniya sa lahat ng isyung ibinabato sa BuCor ay nasa low morale na ang mga tauhan ng ahensya.

Maging ang kanyang pamilya aniya ay nabubully na dahil sa kontrobersiyang ito.

YOU MIGHT ALSO LIKE