COA: Walang nakasaad sa 2020 Audit Report ng DOH na may overpricing at korapsyon sa pagbili ng COVID PPE
By Kathleen Forbes - September 15, 2021 , 3:40 pm

Muling nilinaw ni Commission on Audit (COA) Chair Mike Aguinaldo, na walang nakasaad sa kanilang 2020 Audit Report para sa Department of Health (DOH), na may overpricing sa binili nilang mga COVID-19 protective equipment.

Sa opening statement ni Aguinaldo sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, sinabi niya na wala silang tinutukoy na anomalya sa natukoy na P42 billion funds na inilipat ng DOH sa Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sinegundahan ito ni COA Supervising Auditor for DOH Rhodora Ugay.

Aniya, ang pag-“flag” ng COA ay bunsod lamang ng kawalan ng MOA sa pagitan ng DOH at PS-DBM.

Dagdag pa ni Aguinaldo, pinahihintulutan naman sa ilalim ng Bayanihan 1 na dumaan sa negotiated procurement ang pamahalaan.

Ngunit pinili pa rin aniya ng PS-DBM, na sundin ang ilang probisyon ng emergency procurement process sa ilalim ng Government Procurement Reform Act

Paliwanag pa ni Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, dating Director for Procurement ng PS-DBM, minabuti nilang sundin pa rin ang ilan sa nakasaad ng Government Procurement Reform Act upang matiyak ang transparency at accountability sa transaksyon.

YOU MIGHT ALSO LIKE