COMELEC, muling inulan ng protesta
By Lorenz Francis Tanjoco - December 7, 2021 , 2:07 pm

Nagkasa ng kilos protesta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa labas ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC).

Ito’y para hilingin na magkaroon sila ng dayalogo hinggil sa usapin ng dagdag honoraria at allowances sa gagawin nilang trabaho sa darating na halalan.

Sa inilabas na pahayag ni ACT NCR Union President Vladimer Queta, malaking responsibilidad ang ginagampanan ng mga guro sa eleksyon kung saan kaakibat nito ang panganib kasabay na rin ng banta ng COVID-19 pandemic.

Dahil dito, hinihiling nila sa COMELEC na dagdagan sana ang ibibigay na honoraria at allowances sa ilalim ng COMELEC Resolution 10727.

Nais nila na madagdagan ng P3,000 ang nakukuhang honoraria at allowances ng mga guro na tumatayong chairperson ng Electoral Board at mga miyembro nito; Department of Education (DepEd) Supervisor officals, at mga Support staff.

Bukod dito, hangad rin nila na itaas ang travel allowances sa ₱3,000 para sa mga guro na magdu-duty sa halalan sa mga syudad at urban areas habang ₱5,000 naman sa mga remotes areas.

Panawagan pa ng grupo ng mga guro na idagdag sa probisyon ang pagkakaroon ng overtime pay sa pagtrabaho nila sa eleksyon at dagdagan rin sana ang service credit ng hanggang 10 araw.

YOU MIGHT ALSO LIKE